Saturday, September 24, 2005

Tribung Bubuyog



PROLOGUE

Mahigit tatlong taon na ang nakalilipas nang una siyang maimbitahan sa kaarawan ni Pipiguro. Hindi niya malilimutan… iyon ang unang pagkakataon na “nabuo” ang kanilang samahan --- nagkaroon ng kulay, napalago at nabigyan ng buhay. Ika nga, “TRIBU” sa sarili nilang pamamaraan.

Doon niya unang nakilala sina Bubor ar Kuwawo. Dati na niyang mga kababata sina Simpit, Iking, Pipiguro at Kato ngunit hindi naging kasing-kulay ng nagdaang tatlong taon ang naging samahan nila kumpara noong mas bata pa sila.

Malaki ang ipinagbago ng barkadahan simula nang mapasama siya sa mga ito. Animo’y walang kasing-saya sa mga bagay na paulit-ulit nilang pinagsasaluhan.Subalit hindi niya lubos na maintindihan. Ngayon ay unti-unti nang lumalantad ang kaisipan na lahat ng bagay ay may hangganan. Ang bawat senaryo ng kanilang naging pagsasama ay magiging bahagi na lamang ng alaala sa mga susunod pang panahon. Tulad ng kalikasan, parang mumunting ihip ng hangin na magiging ugnayan na lamang ng pagsilip sa nakalipas at pagtanaw sa kinabukasan.

Maraming mga bagay ang hindi sakop ng kanilang lohika. Mahirap arukin. Mahirap gamayin. Mga bagay na taliwas sa bawat prinsipyo at paniniwala ngunit malinaw na nagkakaroon ng kaganapan. Minsan, sa dikta na rin ng kanilang isipan… katulad ni Kugno na hindi akalaing magiging bahagi ng kanyang buhay sina Iking, Pipiguro, Simpit, Kato, Bubor at Kuwawo. Bahagi ng buhay na ngayon ay unti-unti nang itinatanggi at binabawi ng nagdaang prinsipyo at paniniwala ngunit mahirap nang maibalik. Paano…? At hanggang kailan…?

Bumaba si Kugno mula sa taas ng pagkakalipad nang mamataan niya ang puno ng Manggi na ngayon ay mayabong pa rin at hitik sa bunga. Maging sa ilalim nito ay tanaw na tanaw ang kabuuan ng paligid na siya nang naging paborito niyang pahingahan simula pa noon.

Humimpil si Kugno at mula sa pabagu-bagong hugis ng mga ulap ay tila gumuhit kung paano sila nagsimula…


I

Kay igi ng panahon. Namimintog ang sikat ng araw sa kalangitan. Ang ihip ng hangin ay lubhang kaiga-igaya na humahaplos sa pagod na kalamnan.

Naroon siya sa ilalim ng punong Manggi habang nakamasid sa naggagandahang tanawin na nagbibigay sa kanya ng ibayong kagalakan. Ewan niya ngunit walang nakakaunawa sa kanya. Ang ibang mga kapwa batang bubuyog ay abalang abala sa paglalaro na animo’y iyon lagi ang huli nilang araw. Hindi nila pansin ang ganda ng paligid. Ang liwanag ng araw. Ang mayabong na ulap. Ang luntiang mga dahon at ang kakaibang ligayang hatid ng mga ito.

Isinilang siya sa tribung ang oras ay sapat na para sa payak na pamumuhay. Tribung wari ay nakalimutan na ang lumingon nang malayo. Hindi alam kung paano maghanap. Masaya pero tila natigil na ang mundo sa gano’ng tipikal na klase ng pamumuhay na sadyang nakasanayan na nila. Wari’y napiit na sa anggulo ng daigdig na iyon at tuluyan nang naging bulag para sa iba pang aspeto ng buhay. Alam niya, may kulang, at sadyang natabunan na ang mga mata ng katribu para sa iba pang anyo ng buhay.

“Kugno, halika, sama ka sa amin. Laro tayo!”

Mayroon ding siyang mga kaibigan ngunit hindi niya ramdam ang katatagan ng mga ito sa tunay na kahulugan ng salitang iyon.

“Salamat, Iking! Pero sa ibang pagkakataon na lang!”

Hindi niya masabi ang dahilan, ngunit sa mga oras na iyon, mas nasisiyahan siya sa pagmamasid sa paligid na hindi niya nakikitang ginagawa ng ibang mga batang bubuyog. Para sa kanya, mas masarap ang magpakabusog sa gano’ng kaligayahan na hindi naman niya kayang ipaliwanag sa kanila. At marahil ay talagang walang makakaunawa maliban na lamang sa bubuyog na may katulad niyang pananaw.

“Halika na,Iking,” bulong ni Kato. “Hayaan na lamang natin siya diyan. Mas okey pa nga siguro kung tayu-tayo na lang!”

“Hindi, Kato. Isali natin si Kugno,” sagot ni Iking sa mahinang tugon upang hindi marinig ni Kugno.

“Eh, wala namang kwenta ‘yan eh!” anas ng isa pang katabi. “Tingnan mo nga! Akala mo… baliw!”

“Huwag kang maingay,” kalabit ni Pipiguro kay Simpit. “Baka ka marinig.”


“Pssst…!” senyas ni Iking. Agad itong humarap kay Kugno na patuloy pa ring nakamasid sa paligid. “Ah…Kugno… sige, sa ibang araw na lang. Lumapit ka na lang sa amin kung gusto mong sumali.

Ngumiti si Kugno. “Salamat, Iking… Pasensiya na kayo. Talaga lang wala akong ganang maglaro ngayon eh.”

“Sige, Kugno, iwan ka muna namin.”

“Paalam,Kugno.”

Mabilis na nag-alisan ang apat na kababata na may ngiti ng pambubuska sa bawat labi. Masaya silang nagtatawanan at nagbubulungan sa likod ni Kugno na sadya namang nakakainsulto kung makikita lamang ng naiwang kalaro.

Iba ang pag-iisip ni Kugno. Gusto niya ay malaya, mapayapa at masaya. Sa murang edad ay batid na niya ang tunay na kahulugan ng pagmamahal, ang lohika ng salitang “salamat” at ang kahalagahan ng pagtulong sa kapwa.

Sa punto ng paglipad ay nasusukat ang klasipikasyon ng bawat bubuyog. Ang mababa at bahagyang mababang lipad ay isa nang ordinaryong tanawin sa tribung iyon. Ang mataas at mas mataas naman ay sa ibang tribu kung saan ang mga bubuyog ay mas malawak na pag-iisip --- naiiba ang klase ng buhay kumpara sa Muyong --- ang tribung kinagisnan ni Kugno.

Para sa mga taga-Muyong, walang halaga mababa man o mataas ang lipad. Gano’n pa man, hinahangaan pa rin nila ang mga bubuyog na lumilipad nang mataas --- ngunit paghanga na sa kanilang dibdib lamang makatago at tila ‘di kayang sambitin ng kanilang bibig. Sa halip ay pagkayamot ang namumutawi sa kanila gayong sa katotohana’y talagang bumubilib sila sa mga ito. Ngunit para kay Kugno, ang antas ng paglipad ay simbolo ng “pagka-bubuyog” at sumusukat sa kung “ano” at “sino” ka. Kaya nga sa ganong paniniwala ay nagagawa niyang lumipad tulad ng mga taga-Pagdag masama man sa loob niya ang tuyain ng mga tag-Muyong, kung saan siya ay nasasapi. Alam niya, kaya rin itong gawin ng iba sa kanila ngunit wari ay talagang waksi na sa kanilang isipan ang ganong bagay at ang nalalaman lamang nilang mundo ay ang mundong kanilang ginagalawan – sama-sama, nagkakaisa, mababa ang lipad… masaya!

Ngunit nagtataka siya. Di hamak na naiiba na nga siya sa lahat, wari’y siya pa ang lumalabas na katawa-tawa.

“Bzzzz…! Sige nga, kung talagang matapang ka, hawakan mo ‘yung pakpak ni Kato,” udyok ni Simpit kay Pipiguro.

“Hinawakan nga.” Sambit ni Iking.

Galit na galit si Kato. Sa pagka-inis ay inundayan ng malakas na hampas ng kanyang pakpak si Pipiguro hanggang sa magkadagulung-gulong sila sa damuhan.

Nang mapunang nagagapi na si Kato…
“Tama na ‘yan !” nakangiting sigaw ni Simpit.
“Sige na, Pipiguro. Hati na lang kayo dito ni Kato para walang gulo,” sabay dampot ni Iking sa pinag-aawayang laruan.

Walang imik-imik na nagpagpag ng katawan si Pipiguro habang umiiyak na nakasalampak pa rin sa damuhan si Kato.

“Akala mo kasi kakasa ka eh,” pagyayabang ni Pipiguro.

“Tayo na diyan, Kato. Payag na raw si Pipiguro. Hati na kayo,” pagbibiro ni Simpit.

“Hmp! Ulitin mo lang yang ginawa mo, hindi lang ‘yan ang aabutin mo sa akin! Sige, hati na tayo!”

“…Ako naman talaga ang nakapulot niyan ah!”

“Bakit sino ba ang nakakita?”

“Sabay lang naman tayong nakakita ah!”

“Kaya nga hati tayo eh!”

Wala namang ginawa ang dalawa, sina Iking at Simpit, kundi ang magtawanan, na animo’y tuwang-tuwa sa napapanood na away ng dalawang kasamahan.

Sa di-kalayuan ay nakatingin lamang si Kugno sa kanila.

“Pwede naman palang pag-usapan eh, bakit kailangan pang paabutin sa ganong punto?” bulong niya. “Inuunahan kasi ng maling pagkilala sa tapang… isang maling persepsyon na akala nila’y makakabuti sa kanilang pagka-bubuyog. Pare-parehong hindi marunong magbigay. Pare-parehong walang pagpapahalaga.”
Napabuntong-hininga si Kugno.

“Ah! Taga-Muyong nga sila. Unti-unti na nilang nadadala ang tatak ng ‘Tribung Muyong.’ Mababa ang lipad… sumusukat sa lawak ng kanilang pag-iisip. Mali ang katotohanang kinapapalooban nila ngayon.”

Iyon ang punto ni Kugno. At ngayon, naisip niya, hindi siya dapat masuya kung palihim man siyang tinatawan ng mga kasama. Alam niya na nasa matuwid siyang plataporma. Kahit walang nakakaunawa sa kanya, talos niya kung ano ang dapat at kung ano ang hindi – hangga’t nabubuo sa kanyang kalooban ang matuwid na pananaw. Hanggat nasa kanya ang lawak ng isipan. Hanggat marunong siyang magmahal. Tumulong. Umunawa.

Ikakampay pa rin niya ang kanyang pakpak. Lilipad. Lilipad tulad ng mga taga Tribung Pagdag…




II


Lumipas ang panahon. Lumalaki na si Kugno. Tulad ng mga kababata, kailangan niya ang matuto. Kailangan niyang pagyamanin ang sarili para sa mas angkop at mas seryosong buhay na naghihintay sa kanya.

Tuwang-tuwa siya. Dahil tulad ng malaon na niyang inaasam, nagkaroon siya pagkakataong lumipad kasama ang ilang mga taga-Pagdag sa rurok ng kanyang pag-aaral. Kay sarap ng pakiramdam niya. Sa wakas, nagkaroon siya ng mga kaibigang may katulad niyang pananaw.

Naranasan niya ang mapasalamatan. Naranasan niya ang mapahalagahan. Naranasan niya ang maunawaan. Mailahad ang kanyang nasa isip nang walang pag-aalinlangan. At kumilos ng masaya at Malaya nang naaayon sa dikta ng kanyang isipan… sa piling ng mga taga-Pagdag.

“Pumunta tayo sa gawi doon,” wika ni Krako. “...malakas ang hangin, mas maraming puno roon. Masarap pakinggan ang lagaslas ng mga dahon.”

Dagli namang tumalima si Kugno. Nakangiting damang-dama ang sigla ng panahon.

Sa gawi roon ay nakita niya ang iba pang mga taga-Pagdag na kay inam pagmasdan. Masayang nagliliparan. Nakaka-engganyo. Mataas ngunit banayad na banayad sa pagkampay ng kanilang mga pakpak.

Hindi nangiming makisabay si Kugno. Nagpalutang-lutang sa hangin na animo’y lumaki at nagka-isip sa Tribu Pagdag.

Lumalaon ay natuto siya ng iba’t-ibang estilo. Naroong magpalutang sa hangin nang ubod taas na hindi iginagalaw ang kaliwang pakpak, ang pumaimbuyog sa kaitasan sa pamamagitan lamang ng tatlong malalakas na kampay, at maging halos abutin ang naghahabulang mga ulap sa kalangitan. Marami. Mga bagay na ipagkikibit-balikat lamang ng mga tag-Muyong.

“Oo, talagang masarap ang nektar ng Santan.”

Tila sandali lamang ang mahabang oras na iyon at naroon na naman sila ni Krako sa ilalim ng mga puno para magkuwentuhan.

Si Krako ay isa sa mga tag-Pagdag na naging kaibigan niya. Masaya itong kausap, mapagbigay, mabuting tagapakining, matalino, pino at madaling makaunawa. Halos sa bawat araw ng kanilang pagkikita ay may natutunan siya rito at gano’n din naman si Krako sa kanya. Kaya naman hindi pinagsasawaan ni Kugno ang bawat minuto ng kanilang pag-uusap.

“Maliit nga lamang ngunit puno ito ng bitamina at mineral na nagpapalakas sa ating katawan. Kumpara sa bulaklak ng Salaginto na mayaman nga sa nektar, may mga sangkap naman na nagpapabagal sa pagdalong mga likido sa ating katawan. Lingid sa kaalaman ng nakararami, isa ito sa mga nagiging sanhi ng iba’t-ibang klase ng karamdaman.”

“Kung saan-saan kasi tumutubo ang halaman ng Salaginto kaya naman napakadali para sa ating mga bubuyog ang makakuha ng mga ito, bukod sa malalaki at mabilis pang mamulaklak.

“Ewan ko ba! Bakit marami ang ayaw makinig,” sagot ni Krako.

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap ay biglang nagdatingan ang iba pa nilang mga kasama.

“O, narito rin pala kayo!” bulalas ni Ebang.

“Kanina pa ba kayo rito?” tanong naman ni Mintis.

“Ang ganda kasi ng panahon eh! Maaliwalas ang kalangitan. Nakapanghinayang kung hindi namin sasamantalahin ang aya ng araw.”

“Oo nga. Katunayan galing kami doon sa kabilang halamanan pero masyadong maraming maiingay na bubuyog. Nakakairita. Walang pakialam sa paligid nila. Akala mo’y sarili nila ang mundo.”

“Kaya ba nandito kayo ngayon?”

“Oo Kugno.” sagot ni Kail. “Pag-uusapan kasi namin ang tungkol sa paksang tatalakayin bukas ng ating guro.”

“Gano’n ba? Sige, dito na lang kayo. Sama-sama na lang tayo rito.”

“Siya nga,” sang-ayon ni Krako.

Matapos ayusin ng tatlo ang mga sarili para sa mas kampanteng kuwentuhan…

“Ano ba ang kuru-kuro ninyo tungkol sa paksa natin bukas?” pauna ni Ebang.

“Tungkol sa yaman o dangal?”

“Ako, palagay ko, doon na ‘ko sa dangal. Ito lamang ang katangi-tanging kayamanan na hindi kayang tumbasan ng salapi nating mga bubuyog.”

“Kahit wala ka nang makain?”

“Hindi kayang punan ng dangal ang sikmura mo, Krako.”

“Mintis, sa bandang huli, isa lang ang kahahantungan natin. Kamatayan. At napakalaking kaibahan ang kaligayahang dulot ng dangal sa kaligayahang dulot ng kayamanan, at ‘yon ay depende lamang sa pananaw ng bawat bubuyog. At sa ganang akin ay mamatamisin ko pa ang malagutan ng hininga na may iniwang dangal, kesa ang mamatay na sobra-sobra ang yaman sa mundo. Ang dangal ay madadala ko sa hukay. Ngunit hindi ang yaman.

“May punto ka Krako,” singit ni Kail “ ngunit nakakalungkot sabihin, na hindi man natin aminin, ang kayamanan ang nagdudulot unang-una ng pag-ibabaw na kaligayahan sa ating mga bubuyog.”

“Tama ka, Kail,” tapik ni Mintis sa balikat nito at sabay baling sa mga kasamahan. “sa palagay n’yo ba ay magkakaroon tayo ng mga kanais-nais na karanasan sa paligid kung walang sapat na salapi? Makapag-aaral ba tayo sa magandang paaralan kung wala nito? Mabibili ang gusto natin? Makukuha ang nais nating maabot? O mabibigyang-sigla ang ating natatanging katangian?”

“…Alam mo Mintis,” mahinahong tugon ni Kugno. “ang mga ‘yon ay kundi mababaw na dahilan lamang. Sabagay, katulad ni Krako ay mayroon ka ring punto. At makikita natin ang katibayan ng iyong mga sinasabi sa… sa lugar na pinanggalingan ko. Ngunit sa kabilang dako, hindi sila apektado. Kuntento na sila at masaya sa mundong ginagalawan nila ngayon. Iyon nga lamang, hindi nila nailalagay ng wasto sa tamang plataporma ang kanilang mga kilos, gawi, at sabihin na natin, ang kanilang buhay gawa na rin siguro ng malaking epekto sa kanila ng sarili nilang paligid. Ngunit kung may sapat kang pag-iisip at malakas ang ang determinasyon mo na lumagay sa tamang lugar, higit pa sa sinasabi mong kayamanan ang sa palagay ko’y makakamit mo Mintis, salat ka man sa materyal na bagay. Mas masarap dahil mas kapana-panabik ang buhay mo.” Saglit na huminto si Kugno “…nasa bubuyog, Mintis. Nasa bubuyog,” ulit niya. “Ikaw ang gumagawa ng sarili mong kaligayahan. Ngunit iyon ay nakasalalay sa mundong nakapaligid sa’yo.”

Sandaling binalot sila ng katahimikan. Si Ebang ang bumasag ng katahimikang ito. “Sang-ayon ako sa iyo Kugno.”

“Oo tama kayo. Ngunit sadyang nakalulungkot isipin na talagang mahihirapan tayong matamo ang gusto nating naisin kung salat tayo sa yaman. Hindi lahat ng bubuyog ay nabibigyan ng magandang pagkakataon. Kaya masuwerte yaong may mga sapat na salapi dahil malinaw nilang nagugugol ang buhay sa daigdig.”

“Hindi lahat ng mayaman, Kail ay maligaya,” mabilis na sagot ni Kugno “…ang tunay na kayamanan ay tinatamasa sa kalooban. Dito,’” salat niya sa kanyang dibdib “Hindi ka man mayaman, ngunit maluwag sa loob mo na tanggap ang ‘ano’ ka ngayon, at nariyan ang iyong damdamin na tamasain at ikatuwa ang kasalukuyang ‘ano’ ka, walang ikina-iba, Kail…Mintis…” sabi niyang kaliwa’t kanan ang tingin sa dalawa. “Alin? Ang mabuhay ka nang marangya ngunit walang tunay na kaibigan na makakahalubilo at makikinig, o salat sa yaman ngunit mabisa at maluwalhating naipadarama ang nasasaloob...? Nariyan ang pamilya, nasa tabi upang damayan ka sa ano mang oras…” Walang reaksyon ang mukha ni Kugno. “Ang yaman ay kaya mong bayaran ng dangal. Ngunit hindi ang dangal kailan man mababayaran ng salapi… nang tanggap sa dibdib!”

Maaliwalas ang mga mukha nina Krako at Ebang. Halatang sang-ayon sa mga binitiwang salita ni Kugno.

“Napakaganda ng mga sinabi mo, Kugno. Ngunit hindi yata lahat ng salat sa yaman ay nakararanas ng ganyan.’

“Kaya nga tulad ng una kong sinabi, nasa bubuyog Kail. Kung ano ka ngayon ay dikta lahat ng iyong pag-iisip. Nasa determinasyon mo kung ano ang nais mong makamit sa mundo. Pusakal ka man, magnanakaw, mapagsamantala, walang utang na loob, walang pagpapahalaga o walang-hiya ay sapagkat iyon ang gusto mo. Walang sapat na determinasyon, walan pagnanasa na tumuwid ng landas, walang pagsisisi dahil masaya sa kanilang ginagawa. Iyon ang klase ng buhay na gusto nilang piliin… doon nila nakita ang kanilang sarili.”

“Kaya nga sa papaano man, hindi rin natin masisisi ang bawat isa. May kanya-kanya tayong nais. At may kanya-kanya tayong karapatan na piliin ang gusto natin, kung saan tayo liligaya. Pero ako, siguro mas magiging maligaya ako sa dangal!” seryosong wika ni Ebang.

“Marahil ay tama kayo. Masyado pa lang siguro akong nalalabuan sa konsepto ng ating usapan. Huwag kayong mag-alala. Pag-iisipan ko ang mga bagay na ‘yan pag-uwi ko sa bahay,” sabi ni Mintis na nakangiti.

“Napag-isip-isip ko na rin. Nasa bubuyog nga. At hindi natin talaga dapat sisihin ang sino man dahil wala tayong karapatan na dominahin ang isipan ng bawat isa sa atin.”

“Tama ka, Kail. May karapatan tayong ilahad ang bawat ideya natin, ngunit wala tayong karapatan na ipilit ang gusto nating mangyari dahil may kanya-kanya tayong pananaw, batid mo man na mali ang pananaw ng kausap mo.” Bahagyang iginalaw ni Krako ang kanyang pakpak.

“Oo. Ang mahalaga ay naisaad mo ang gusto mong sabihin, at naroon ang intensyon mo na makatulong sa gano’ong paraan. Nasa kausap na lamang kung paano niya tatanggapin ang iyong mga sinabi. Ngayon, kung hindi lamang uusbong na kanais-nais ang inyong paksa, o lalabas ka lamang na masama, hayaan na lamang. Sa ganoong paraan, kahit paano’y nakilala mo siya. O nagkakaroon ka ng basehan na makilala siya nang lubos, at alam mo na kung paano siya pakikitunguhan sa susunod. Lubhang mahalaga ang komunikasyon.

Iyon lamang at matiwasay na natapos ang kanilang usapan. Ginugol na lamang nila ang nalalabing mga oras sa paglilimayon.

Bakas ang tuwa sa mukha ni Kugno. “Iyon ang kombersasyon,” sa isip niya. Matiwasay na nailalahad ang bawat pananaw. Lahat ay bukas na magpahayag at tumaggap ng alin mang ideya buhat sa mga kasama.

“Sana… sana gano’n din ang mga kaibigan ko sa Muyong…”



III


Nagdaan ang panahon. Unti-unting nadaragdagan ang kaalaman ni Kugn - mga bagay na batid niyang makakatulong sa kanyang paglago bilang isang ganap na bubuyog.

“Maligayang kaarawan, Kugno. Pasensiya ka na kung ito lamang ang tanging maibibigay ko sa’yo mula sa kaibuturan ng aking puso,” pagbibirong sambit ni Ebang.

Masayang tinanggap ni Kugno ang regalong bigay nito na lubos niyang ikinatuwa nang mabuksan - isang kwintas na yari sa dahon na personal nitong hinabi.

Ang kay Krako ay isang supot na nektar ng Santan na batid nitong paborito ng kaibigan. Alam ni Kugno na hindi gano’n kadali makaipon ng nektar mula sa maliit na bulaklak kaya’t gayon na lamang ang pasasalamat sa mabuting kaibigan.

Isang maliit na batong kristal naman ang dala ni Mintis para sa kanya.

“Alam kong maliit na bagay lamang ito, Kugno. Ngunit hindi bato ang nais kong ibigay sa’yo kundi ang halaga nito sa akin na simula pa pagkabata ay iniingatan ko na… Kugno, ang batong ‘yan ay mula sa aking ina noong siya’y nabubuhay pa. Nakita ko sa pagkabubuyog mo ang pagpapahalaga kaya minarapat kong ito na lamang ang ibigay sa’yo. Alam kong nararapat ka rin sa batong ‘yan. Ingatan mo sana tulad ng ginawa kong pag-iingat.”

Naghalo ang lungkot at saya sa mukha ni Kugno. Napayakap ito nang mahigpit kay Mintis.

“Salamat…salamat! Hindi kita malilimutan, Mintis. Huwag kang mag-alala, iingatan ko ito.”

Dahan-dahan namang inilapat ni Kail ang kamay sa balikat ni Kugno.

“Ah… Kugno, wala talaga akong maisip na bagay para sa’yo. Kahit itanong mo pa sa kanila, kung saan-saan na talaga ako nakarating sa paghahanap ng maibibigay sa kaarawan mo, pero wala talaga akong matipuhan….”

“Wala ‘yon, Kail. Ang mahalaga, narito kayong lahat ngayon na patunay lamang na naalala ninyo ako. Ang importante, masaya tayong lahat ngayon. Walang iwanan!” ngiti ni Kugno sa mga kasama.

“Kaya nga sa pagkakataong ito, para lalo tayong sumaya… tena sa labas! Pupunta tayo sa Buriko. At sagot ko lahat ang gastos para sa kaarawan mo, Kugno.”

“Hindi ka nagbibiro Kail?!” tanong ni Ebang.

“Bakit sa Buriko pa? Marami namang iba pang lugar diyan.”

“Bakit, ayaw n’yo doon? O sige, sa…”

“Oo, oo! Gusto namin doon. Ito talagang si Krako, o! Tena! Tena sa Buriko!” bumubungisngis na banat ni Ebang.

Masaya namang nagsisunuran ang mga kasama na bakas na bakas ang kakaibang kasiyahan sa mga mukha…

Malamig sa Buriko. Lugar na puntahan lamang ng mga bubuyog na may sapat na panggastos. Maganda ang paligid, maliwanag, maaliwalas, mabango, desente at masarap ang mga pagkain.

Unang pagkakataon pa lamang ni Kugno sa lugar na iyon ngunit hindi siya kinakitaan ng pagka-ilang. Sa halip ay tuwang-tuwa siya ‘pagkat ito’y bagong karanasan na naman sa kanyang buhay.

“Maligayang kaarawan, Kugno” sambit ni Kail sa paboritong kataga sa araw na iyon na animo’y isang awiting pauli-ulit na pinatutugtog.

“Maligayang kaarawan!”

“Maligayang bati!” ulit ni Mintis.

“Salamat, salamat… salamat...” walang pagsidlan ng tuwa si Kugno, “Hindi ko man kapiling ang mga magulang ko ngayon, ito na marahil ang isa sa pinakamasayang kaarawan ko.”
Nilagok ni Ebang ang matamis na nektar ng Kundiman, “Ano naman ang kahilingan mo para sa araw na ito, Kugno?” tanong niya.

“Ako?”

“Sandali,” singi ni Kail, “dadako rin tayo diyan mamaya. Hintayin muna natin ang cake.

Halos kaalinsabay ng katagang iyon ang biglang pagsulpot ng nakatalagang waiter ng Buriko sa mahaba nilang mesa. Bitbit nito ang isang malaking cake na pinalapot ng nektar ng Mañana.

“Ang laki nito ah!” bulalas ni Ebang.

“O sige, sindihan mo na ang kandila at saka mo sambitin ang mga kahilingan mo Kugno.”

“Siya nga.”

Dali-daling inilapag ng waiter ang lampara sa ibabaw ng mesa, iniabot kay Kugno ang sindihan nito para sa kandila. Iyon lamang at agad itong umalis, bitbit ang sindihan at lampara pabalik.

Titig na titig si Kugno sa liwanag ng apoy. Maraming naglalaro sa kanyang isipan. Hindi niya mapigilang kumilos muli ang mga pangarap na minsa’y nanahan sa kanyang kalooban.

Saglit niyang ipinikot ang mga mata. Tahimik ang lahat. Naghihintay sa mga salitang mamumutawi mula sa bibig bi Kugno.

“Phuh!”

“Tapos na?!”

“Ano ba ang hiniling mo?”

“Mukhang sikreto ah, hindi mo man lang ipinarinig sa amin’”

“Ito namang si Mintis, s’yempre hindi sa lahat ng pagkakataon, kailangang malaman natin ang nasasaloob ng bawat isa.”

“Oo nga naman,” baling ni Krako “pero, sinisiguro ko sa inyong kasama tayo sa mga kahilingan niya. ‘Di ba Kugno?”

“Siyempre. Pero sasabihin ko sa inyo, isa lang talaga ang pinakamimithi ko.”

“Ano ‘yon, Kugno?”
“Sana’y dumating ang panahon na tuluyan nang magkaintindihan ang bawat isa… para walang gulo, para laging tahimik, para laging masaya.”

Walang kibo ang lahat. Ngunit puro nakangiting sumasang-ayon sa mga sinabi ng kaibigan. Nauunawaan nila…

Maya-maya, unti-unting hinugot ni Kail ang mga kandila sa cake. Umindayog pa ang mga pinong usok na sumisilay sa mga mitsa nito.

“Maligayang kaarawan!” ulit niya sabay tapik sa braso ni Kugno.

Umapaw ang mga pagkain sa hapag na pinasigla naman ng mga masusuyong awit ng kalikasan. Animo’y iyon na lamang ang huling araw ng kanilang pagsasaya.

Nasa ganoong punto sila ng selebrasyon nang mula sa labas ay binulabog sila ng isang nakakagulantang na ingay.

“Ano’ng ipinagmamalaki mo ha?!” dinig nilang sigaw ng isang bubuyog sa tapat ng pinto ng Buriko. Nagmumura itong hawak ang isang tipak na bato, nanginginig sa galit ang mga kalamnan. “Akala mo ikaw lang ang matapang?” sigaw nitong muli habang inaawat ng iba pa nitong mga kasama.

“Ano ba ang pinag-aawayan ng mga iyon?” pabulong na tanong ni Mintis sa waiter.

“Tinitigan daw siya ng masama at minura ng sangganong bubuyog na ‘yan diyan sa labas eh. Pero palagay ko, magkakilala naman ang mga ‘yan…loko talaga ‘yang isa.”

“’Yung nagmura?”

“Oo, pero hindi naman dapat patulan ‘yan sa ganyang paraan. Tingnan mo, gulo lang ang kinalabasan.”

“Taga-saan ho ba ang mga ‘yan?”

“Sila? Mga tag-Triga.”

“Triga?” patanong na ulit ni Kugno. Naisip niya, halos walang ikinaiba ang lugar na iyon sa Muyong, “Ah, kaya pala,” sa isip niya.

“Sige, ‘wag n’yo na lang pansinin ang mga ‘yan. Kumain na kayo.”

Agad namang tumalima ang lahat ngunit hindi si Kugno. Naisip niya, talagang nakakalungkot pagmasdan. Ngunit wala silang magagawa. Iyon ang tanging paraan na alam nilang gawin. Sa kanilang palagay, sa ganoong halimbawa sila hinahangaan. Taliwas ang paniniwalang ito para sa kanya at ng mga kaibigan. Bagkus, kung sila pa ang kasama ng mga ito, at hindi ganoon ang kanilang ikinilos, posibleng tawagin silang duwag.

“Hoy, Kugno! Huwag mong isipin ang mga iyon. Iba ang paraan nila. Hinid natin sila mapapaliwanagan. Tayo lamang ang tatawanan ng mga ‘yan.”

Napatingin si Kugno kay Krako. “Tama ka, Krako. Sige, kumain na tayo,” siyang dampot niya sa kubyertos, “…pero ang hirap talaga unawain ng paraan nila.” bulong niya sa sarili.




IV

Lubhang napakabilis ng panahon. Ngayon ay naroon na naman si Kugno sa Tribo-Muyong upang gugulin ang mahaba nilang bakasyon.

“Kugno, nandito ka na pala. Kelan ka pa dumating?”

“Mahigit isang linggo na.” sagot ni Kugno kay Iking.

“E ‘di libre ka na ngayon? Ibig kong sabihin, wala ka nang masyadong gagawin?”

“Gano’n na nga Iking.”

“Kumusta ang pag-aaral mo?”

“Mabuti naman. Ikaw kumusta na?”

Medyo nangingimi si Iking, “Eto, okey lang, pabandying-bandying. Eh kahit naman noon pang may klase ganito rin naman,” tila nagmamalaking wika pa niya.

“Ibig mo palang sabihin, lalo na ngayon?” pagbibiro ni Kugno.

Wala namang magawa si Iking kundi suklian ang ngiti ng kausap. “Sa palagay ko’y nasasabik na rin sina Pipiguro na makita ka. Tamang-tama, may kasayahan sa kanila. Kung gusto mo, sumama ka.”

“Bakit, ano’ng okasyon?”

“Karawan ngayon ni Pipiguro. Kumpleto kaming lahat. May ilan pa ngang nadagdag.”

“Hindi ba diyahe, Iking?”


“Bakit naman magiging diyahe? Matutuwa pa nga sila ‘pag nalamang kasama ka. Sa lumipas ba naman na mga taon na hindi ka namin nakasama, matatanggihan mo kami?”

Matagal bago nakasagot si Kugno. Maya-maya’y napangiti, “Sige.” Maiksi niyang tugon.

“Sige ha, susunduin kita mamaya. Sinisiguro ko sa’yo, magugulat sila!”

“Mga anong oras ba?”

“Baka alas-nuebe.”

“Alas-nuebe?! Hindi kaya alanganing oras na ‘yon?”

“Hindi Kugno. At saka hindi mo naman mapapansin ang oras ‘pag naroon ka na. Masaya silang kasama.”

“O sige, alas-nuebe.”

“Alas-nuebe,” ulit ni Iking, “susunduin na lang kita.”






V

Halos hindi maka-imik si Kugno. Halatang nanibago sa bagong atmospera, sa paligid niya at sa gawi ng mga bagong kasama. Gayon pa man, nagagawa pa rin niyang ngumiti tanda ng kanyang pagiging sibilisado.

Malakas ang tawanan. Ang biruan at harutan. Kakaiba. Mga bagay na noon lamang nakita ni Kugno na kasama siya.

“Ganito talaga kami dito, Kugno.” kalabit ni Pipiguro sa kanya, “Masanay ka na.”

Tumango naman si Iking nang mapasulyap siya dito. Tila sinasabing ‘oo nga, Kugno.’

“Tagay pa.” sabay abot sa kanya ng Biro, ang nakalalasing na nektar.

Para lang sa salitang ‘pakikisama’, pinilit ni Kugno na sumabay sa agos, kahit hindi niya nagugustuhan ang ikinikilos ng mga ito.

“Huwag kang mahiya kina Bubor at Kuwawo, Kugno. Ipalagay mo ang loob mo sa kanila, mababait ang mga ‘yan.”

Panay ngiti lamang ang isinasagot ni Kugno.

Animo’y wala namang katapusan ang selebrasyong iyon. Umusod si Pipiguro palapit kay Kugno, na nakaupo sa gawing kaliwa nito, sabay patong ng kamay sa balikat niya. “Alam mo Kugno, tuwang-tuwa ako ngayon dahil nakasama ka namin. Talagang nasorpresa ako. Isipin mo, ilang taon ka rin naming hindi nakasama, at ngayon, sa kauna-unahang pagkakataon, nakita ka ng mga tag-Muyong na nakikipag-umpukan at nakikipag-sayahan dito sa labas. Huwag kang mag-alala, walang problema dito. Sagot ka namin…”

Wari’y kiming-kimi naman sa pagsasalita si Kugno.

“At kung saka-sakali,” patuloy ni Pipiguro, “’pag may nambastos o lumoko sa’yo dito sa lugar natin,” bahagya niyang ibinuka ang pakpak, “sabihin mo lang sa amin, kami ang bahala ! Basta tayo… masaya tayo rito!”

Tumango si Kugno.

“Huwag lang silang magkakamali, kung ayaw nilang pulutin sa ilalim ng puno!”

‘Ano ba ang pinagsasabi nito?’ sa isip-isip ni Kugno. ‘May katuturan ba ito para sa kanya? Ano ang motibo niya para isingit sa usapan ang mga bagay na ‘yon?’

“Kugno, tagay!” sigaw ni Kato.

Dahan-dahan niyang inabot ang baso na tila nagdadalawang-isip.

“Hindi ka yata namumulutan?”

“Ha? Busog ako, sige salamat.” Wika niya sabay salat sa kanyang tiyan.

Sa kabilang upuan nama’y nagbubulungan sina Bubor at Simpit. Simple lang upang ‘di marinig ng ibang mga kasama.

“Ano ba ‘yan?!” tanong ni Kato, “Ang arte-arte!”

“Akala mo hindi lalake!”

“Nakakaasar ‘no? Hindi… ganyan talaga ‘yan” bawi ni Simpit, “kahit no’ng maliit pa kami, ganyan na yan eh.”

“Buti’t nayaya ni Iking, eh ubod naman pala ng arte?!”

“Si Iking kasi ang medyo kasundo na niya noon pa man.” Sagot ni Simpit, “Siguro kaya hindi nakatanggi. Kahit nga ako, nagulat nang makita ko siya dito.”

Hindi naman maintindihan ni Kugno ang nararamdaman. Asiwang-asiwa siya sa mga nakikita - mga gawi na ni sa panaginip ay ‘di niya magagawa.

Pero gusto niyang makisama. Labag man sa kalooban niya ang uminom sa iisang baso ng alak, pilit pa rin niyang kinukuha ang bawat abot nito sa kanya. “Salamat, Pipiguro.”

“Panay naman ang salamat mo!” biro nito.

Hindi siya sanay sa klase ng usapan na namamagitan sa kanila ngayon. Wala naman siyang magawa kundi ang sumagot na lamang sa bawat katanungan na iniuukol sa kanya.

“Naku, ubos na ang alak natin!” mahinang bulalas ni Kato.

“Wala na ba?”

“Paano ‘yan Pipiguro?” pabirong hampas ni Kato sa mesa, “wala na raw Biro!”

Ang Biro ay isang nektar na nakalalasing na siyang madalas inumin ng grupo tuwing magkakasama. Karaniwan na ang biro sa lugar na iyon. Marami sa mga kalapit-bahay ang may tinda nito.

“Ang bilis naman,” pupungay-pungay na sagot ni Pipiguro, “wala na ‘kong pera eh!”

“’Tamo ‘to?! ‘Wag mong sabihing kami pa ang gagastos, e ikaw ‘tong may bertdey!” kaswal na sabi ni Kuwawo.

“’Nga naman Pipiguro.”

“Ah… eto, idagdag mo na,” sabay dukot ni Kugno sa kanyang bulsa.

“’Yun naman pala eh,” nakatutulig na boses ni Bubor “okey pala ‘tong bagong kasama natin eh!”

“Hindi ba nakakahiya sa’yo Kugno?”

“Anong hiya-hiya? Kunin mo na, kunwari pa ’to!” nakangising pambubuska ni Kuwawo.

“Siya nga naman Pipiguro. Minsan lang naman ‘to eh. Huwag ka nang mahiya.” Segunda ni Kugno.

“Sige, ikaw ang bahala.”

“O ‘kina. Para sa’yo, ako ang bibili.” Kinuha ni Bubor ang perang iniabot ni Kugno kay Pipiguro.

“Dalian mo ha, bitin na bitin na tayo!”







VI


“Nasiyahan ka ba sa kaarawan ni Pipiguro kagabi?”

“Huh?!” nilinga-linga ni Kugno ang ulo, wari’y wala sa sarili.

“Pasensiya ka na ha. Lasing na lasing ka kasi kagabi, dito ka na nakatulog.”

Tiningnan isa-isa ni Kugno sina Bubor, Kuwawo, Simpit, Kato at Pipiguro na himbing na himbing pa rin sa pagkakatulog sa bawat sulok ng bahay.

“Anong oras na ba?” tanong niya, “Baka hinahanap na ako sa amin.”

“Maaga pa naman. Kasisikat pa lang ng araw. Maya-maya ka na lang umalis. Uminom ka muna ng maiinit na nektar.”

“Huwag na Iking. Sa bahay na lang.”

“Sige na, para mahimasmasan ka. Alam kong medyo nahihilo ka pa.”

Saglit na nag-isip si Kugno habang nagtitimpla ng maiinit na nektar si Iking. Paulit-ulit niyang pinagmamasdan ang hitsura ng mga natutulog pang mga kasama. Hindi pa rin siya makapaniwalang nakasabay siya sa mga ito.

“Ano na lang ang sasabihin nina Inay pag-uwi ko?” Ayoko nang maulit ito, nakakahiya!”

Muli’y sinulyapan ni Kugno ang mga himbing na himbing pa rin sa pakakatulog. “Hindi sila ang klase ng mga bubuyog na dapat kong pakisamahan. Mga ka-tribu ko nga sila. Pero kailangan kong lumago. Maaaring nauunawaan ko ang mga gawi’t kilos nila ngunit malayong maintindihan nila ako. Hindi pare-pareho ang oryentasyon namin sa buhay.”

“O Kugno, mukhang malayo ang iniisp mo ha?” Dahan-dahang sumulpot si Iking mula sa kusina, bitbit ang dalawang tasa ng mainit na nektar.

“Nariyan ka na pala. Ang bilis mo ah!” Nakangiting wika ni Kugno.

“May nakahanda na palang mainit na nectar sa kusina, isasalin na lang sa tasa.” Napatitig si Iking kay Kugno, “Ano ba ang iniisip mo?”

“Ha? Wala, medyo nahihilo pa kasi ako kaya hindi ko maintindihan ang pakiramdam ko.”

“Gano’n ba? O, heto inumin mo na.”

Iniabot ni Iking kau Kugno ang isang tasang Loti, ang mainit na nektar. Agad naman niya itong inilapag sa tabi.

“Salamat, Iking.”

Sandaling katahimikan ang bumalot sa dalawa. “Kumusta na nga uli ang pag-aaral mo?” mahinang tanong ni Iking.

“Mabuti naman. Matagal-tagal din akong nawala dito sa Muyong. Kinasasabikan kong muli ang makaikut-ikot dito sa lugar natin.

“Eh ngayon mahaba-haba ang bakasyon mo. Maraming pagkakataon upang maka-pamasyal at magpahinga.”

“Dumadalaw-dalaw din naman ako dito noon. Paminsa-minsan. ‘Yun nga lang hindi ko nabigyan ng panahon ang sarili ko para sa pagsasaya.”

“E ‘di tamang-tama, puwede kang magsasama sa amin ngayon habang wala pa kayong pasok. Biro mo, ang tagat-tagal mong nag-aral sa malayo at ngayon mo lang naisipang mag-bakasyon uli dito. Ano?”

Ngiti lamang ang isinagot ni Kugno.

“Mabuti ka pa nga’t makakatapos na na pag-aaral. Samantalang kami, makatapos ma’y hindi kasing-taas ng kinuha mo. Sabagay, ‘yon lang naman kasi ang kaya namin eh. Bakit ba namin pipilitin ang mga bagay na hindi namin kayang maabot? Ang mahalaga naman talaga ay ang makapagtrabaho at kumita ng sapat para sa ikabubuhay mo.”

Napaangat ang pakpak ni Kugno sa narinig. Matagal bago muling nakapagsalita. “Iking, hindi mo dapat gawing dahilan ang salapi para sa ikabubuhay. Mas dapat nating bigyang-halaga ang mga aspetong bubuo sa ating pagka-bubuyog. Ang mga bagay na ito ang magbibigay ng katiwasayan sa ating pag-iisip - dignidad, pangalan, pagkakakilanlan, kalinisan at katiwasayan ng pagkabubuyog.

“Hindi yata kita maintindihan.”

“Hindi ka dapat mabuhay para lang mapunan gutom at mabigyan ng karangyaan ang iyong luho. Ang kaayusan ng sarili bilang isang tunay na bubuyog ang mas dapat pagtuunan ng pansin dahil doon nakasalalay ang totoong kaligayahan. Bigyan mo ng pagkakataon ang iyong iyong sarili na gamitin ang kapasidad na magmahal at ipakita ang tunay na kahulugan ng pakikipagkaibigan at pag-unawa sa kapwa at maiintindihan mo ang ibig kong tukuyin.”

“Marami naman akong kaibigan,” biro ni Iking sabay sulyap sa mga natutulog pa ring mga kasama. “Meron din naman akong…kasintahan,” ngiti niya. “Hindi ko na siguro dapat i-ensayo ang sinasabi mong pagmamahal.”

“Ang tunay na pagmamahal ay kaya mong isakripisyo ang iyong sarili - pagod, oras at maging salapi sa alam mong tunay na ikabubuti ng iyong kapwa. Ang matutunan ang koordenasyon ng bawat relasyon upang maiwasan ang anumang sigalot na maaring mamagitan. Ang pagsukli ng mas higit sa ginawang kabutihan sa’yo upang mapag-ibayo ang tinatawag na pagmamahalan, ang pag-iwas sa pagtanggi sa mumunting pabor na alam mong kaya mong gawin dahil totoong sa maliit nag-uumpisa ang malaki.

“Nangyayari lang naman ang mga iyan sa mga bubuyog na sensitibo.”

Sandaling humigop si Kugno ng mainit na nektar. “Ang pagiging sensitibo ay parte ng kung ano ka. At ang kawalan ng ganitong emosyon ay matatawag na abnormal. Maaaring hindi mo ipadama o ipakita ang sensitibidad ngunit hindi ito nangangahulugan na wala itong iniwang lalim sa iyong dibdib. Sa ano mang paraan, ang pagiging sensitibo ay senyales na sapagkat may halaga ka sa kanya. Hindi mo pagtutuunan ng pansin ang bubuyog na wala ka namang pagpapahalaga.”

“E, paano kung yung kaibigan mo ay hindi naman katulad ng inaasahan mong gano’n?”

“Lahat ng bagay ay napag-aaralan. Ipakita mo ang lahat ng bagay na kaya mong gawin - ang pagtulong, pagpapahalaga at pagmamahal na kaya mong ibigay, at sa proseso ay naituturo mo na rin sa kanya ang mga bagay na dapat - sa hindi direktang pamamaraan, sabihin man natin na ang tawag sa kanya ay ‘bubuyog na walang pakiramdam.’ Sa mga ganoong paraan ay natuturuan mo siya na isiwalat ang nakatagong pagmamahal sa kanyang dibdib na sadya namang talagang naroon sa bawat isa. May magreresponde at may magmamalabis. Sa huling punto ay malalaman mo kung ano talaga ang klase ng pagkabubuyog ang nananalaytay sa kanya. Ngunit ang importante, naibigay mo ang kabutihan na kaya mong magawa at maiparamdam.”

“Sayang!” pagbibiro ni Iking.

“Hindi sayang. Iyan ay kasama sa hamon ng buhay. Huwag mong iisipin na kapag nagbigay ka, ikaw ay mawawalan... dahil ay pakiramdam ay dikta lahat ng isipan. Ang importante ay nasa loob mo ang pagtulong at paghahangad na may matututunang mahalaga ang iyong kapwa.”

“E, paano kung inisip naman ng ibang bubuyog na madali kang lokohin? O sa madaling salita… utu-uto?”

Wala sa’yo ang problema,” mabilis na sagot ni Kugno, “nasa kanila.”

Napatigil si Iking. Unti-unti niyang nadama ang lalim ng kanilang pag-uusap at kakaibang pakiramdam ang biglang bumalot sa kanya. Ang klase ng usapan na dati-rati’y kanyang pinagtatawanan at ngayon ay pilit na nanunuot sa kanyang isipan.

Ngumiti siya ng bahagya. Ibinaling ang mukha sa mga nangungusap na mata ni Kugno. “Ah, Kugno, makakasama ka pa kaya namin?”

“Bakit mo naman naitanong ‘yan?” At sinegundahan ni Kugno ng panibagong ngiti.

“Baka kasi nadala ka sa sinapit ng pakikihalubilo mo sa amin.”

“Bakit, may dapat ba akong ipagsisi?”

“Meron ba?” halakhak ni Iking.

Walang tigil ang ngiti ni Kugno. “Ubos na ang loti, pwede na siguro akong umuwi.”

“Uuwi ka na?”

“Sa susunod na lang uli Iking.”

“Pasensiya ka na nga pala sa mga kakulitan ko ha.” Pahabol ni Iking, “Masanay ka na.”

“Wala kang dapat ipag-alala sa akin, Iking.”

“Salamat naman kung ganon.”

“Sige, paalam!”

At muli ay nasilayan ni Iking ang gawi ng paglipad ni Kugno. Mula sa pinto ng bahay nina Pipiguro ay kitang-kita niya ang taas, bilis at pino ng paglipad nito - isang tanawin na ipagkikibit-balikat lamang ng mga taga-Muyong.

“Iba ka talaga, Kugno,” bulong ni Iking sa sarili. “ang hirap mo pa ring maunawaan.”




VII

“Bata ka pa, Kuwawo. Marami pang magandang kinabukasan ang naghihintay sa’yo.”

“Hindi, Kugno. Ganito na lang siguro ako. Tutal, marami rin namang trabaho ang maaari kong pasukan kahit hindi ako makatapos ng pag-aaral.”

“Huwag mong bigyan ng tuldok ang iyong pangarap, Kuwawo. Pwede mo pa rin namang ituloy ang pag-aaral mo. Huwag kang mahihiya kung iniisip mo na magiging mas matanda ka sa mga makakasama mo sa pagpasok. Maaring iyon pa ang magpigil sa’yo para tuluyan mong hindi maabot ang mga gusto mo sa buhay.”

“Hindi na siguro. Kuntento na ako sa ganito. Tama na sa akin ang makapag-asawa ako…” pagbibiro ni Kuwawo.

Nagpapahinga sa labas ng bahay si Kugno nang madaanan siya ni Kuwawo. Dahil sa wala rin itong magawa, naupo na lamang ito sa tabi ni Kugno upang makipag-kwentuhan.

“Kaya mo ‘yan. Bakit hindi mo subukan? Yung mga bubuyog nga na nakatapos ng pag-aaral sa ngayon ay nahihirapang humanap ng trabaho, ‘yun pa kayang hindi nakapagtapos? Ani Kugno. “At saka mas masarap ‘yung talagang may natapos ka. Hindi mo panliliitan ang sarili mo at panatag ang loob mo dahil mayroon kang maipagmamalaki. Kahit kasi sabihin na marami kang potensyal pero hindi ka naman nakapagtapos, mahirap pa ring isakatuparan ang mga adhikain mo dahil naroon ang awa mo sa iyong sarili. Maaaring magkaroon ng inggit sa ibang mga bubuyog at hindi mo mabibigyan ng hustisya ang iyong mga kapasidad. Sayang!”

Sandaling natahimik si Kuwawo. “Hindi ba talaga nakakahiya?” kiming tanong nito.

“Hindi,” mabilis na sagot ni Kugno. “Huwag mong iisipin ang sasabihin sa’yo ng ibang bubuyog pagdating sa ganyang bagay dahil gawa lamang iyan ng iyong mga agam-agam. Sa katunayan, may mga ka-eskwela rin ako na hamak na doble pa ang tanda kesa sa akin.”

“Talaga? Sige, hayaan mo, susubukan ko. Titibayan ko na lang dibdib ko.” ngiti niya.

“Huwag kang mangingiming lumapit sa akin ‘pag kailangan mo ng tulong o payo.”

“Salamat ha.” Itiningala ni Kuwawo ang ulo at dahan-dahang iniunat ang mga pakpak. Umangat siya ng bahagya sa mahinang paglipad. “Pasensiya ka na nga pala sa akin nung isang gabi ha.” Sabi niya habang palutang-lutang sa hangin.

“Wala ‘yon.”

“Ang kulit ko ‘no? Ang iingay pa namin. Hindi ka ba naguluhan sa amin?”

“Hindi naman,” sagot ni Kugno habang natakatingala sa kausap. Natutuwa nga ako eh!”

“Talaga?”

“Kaya lang…”

“Kaya lang ano?” tanong ni Kuwawo.

“Wala, ngayon lang kasi ako napasama sa mga makukulit.”

“”Ow? Pasensiya ka na ha.” Sambit ni Kuwawo habang nakangiti.

“Hindi, biro lang.” bawi ni Kugno upang di mamis-interpreta ng kausap.

“Hayaan mo, sa susunod, magiging mabait na kami.”

‘Okey din naman pala itong si Kuwawo,’ saad ni Kugno sa sarili. ‘Maayos din naman palang kausap kapag siya lamang mag-isa. Kailangan lang talaga niyang i-motivate upang mas lalo pang maisiwalat ang ibang bahagi ng kanyang pagkabubuyog.’

“Bakit, Kugno? May iniisip ka ba?” pagtataka ni Kuwawo.

“Ha?! Wala, may naalala lang ako.”

“Nakakabagot kasi dito e. Tena! Lumipad-lipad naman tayo para malibang mo rin ang sarili mo.”

“Saan naman tayo pupunta?”

“Pasyalan natin sina Pipiguro. Tiyak, wala ring ginagawa ang mga ‘yon ngayon.”

“Halika,” sang-ayon niya. “Naiinip na nga rin ako’t wala na ‘kong magawa sa itaas ng puno.”


“Hayun si Iking,” sigaw ni Kuwawo habang marahang ikinakampay ang kanyang mga pakpak sa paglipad kasama ni Kugno. “Iking!” masayang tawag niya sa kaibigan.

Dahan-dahan silang bumagal at bumaba palapit sa kinaroroonan ni Iking.

“O, saan kayo galing?”

“Diyan, sa bahay nina Kugno.” sagot ni Kuwawo. “Kanina pa nga kami nag-uusap doon eh! Kaya lang, wala kaming magawa kaya naisipan naming daanan kayo.”

“Ibig mong sabihin, pupuntahan natin sila?”

“Oo, kaya halika na!”

“Sandali, hintayin n’yo muna ako’t ihahatid ko lang kay inay itong nabili kong nektar.”

“Bilisan mo.”

Ilang sandali pa at naroon na muli si Iking bitbit ang supot ng Biro na bahagyang ipinagtaka ni Kugno.

“Ano ‘yang dala mo?” usisa niya.

“E, di ba sabi mo wala tayong magawa? Kaya eto, nagdala ako ng pampasigla!”

“Whew!” sigaw ni Kuwawo habang nakangising nakatitig sa supot ng Biro.

“O, ano pang hinihintay n’yo? Tena!”

Mabilis na nagliparan ang tatlo patungo sa bahay-bahay ng iba pang mga kasama. Hindi nagtagal at kumpleto na naman sila sa labas ng bahay nina Iking na nakahimpil sa mababang puno ng Sundang.

“Hindi kaya masyado pang maaga para umpisahan natin ito?” pasimula ni Kato.

“Hindi na importante ngayon kung maaga o hindi. Ang mahalaga magkakasama na naman uli tayo!” sabi ni Bubor na tila sabik na sabik.

“…sa harap ng Biro!” dugtong ni Pipiguro.

“Umpisahan na…!”

“Uhaw na uhaw na ‘ko, hmp!”

“Oo nga! Nakakauhaw!” sambit ni Kato habang dahan-dahang itinitiklop ang mahabang pakpak.

Tahimik lang si Kugno. Nakikiramdam. Kahapon lamang ay ipinangako niya sa sarili na hindi na mauulit ang ganito. Ngayon ay heto na naman sila, nakapalibot sa nakakalasing na nektar kasama ng ilang pagkaing inihain ni Iking mula sa kanilang kusina.

“Wala yatang kibo si Kugno?” sabi ni Bubor nang mapansin ito.

“Malalim yata ang iniisip mo?” biro ni Kato.

“Mukhang nadala na yata ito sa atin eh.”

“Hindi. Sige! Medyo inaantok lang ako.”

“’Yun naman pala eh! Huwag kang mag-alala, mawawala ang antok mo kapag nakatagay ka.”

“Umpisahan na! Ano ba yan, puro daldal!”

“Umpisahan…!” at itinaas ni Bubor ang tasang dahon, unti-unting sinalinan ng malabnaw na patak ng Biro at sabay nilagok. “Ahh! Ang Sarap!”

“Mukha talagang uhaw na uhaw ka, Bubor ha?”

“Oo nga, Kato e! Nasayaran na naman ang ngala-ngala ko… ha! ha! ha!”

“Kita mo ‘to, akala mo sampung taong hindi nakatikim ng Biro. Iikot mo na ‘yan!” ani naman ni Iking.

“Hmp! Ikaw ‘kamo ang sabik na sabik. Kita mo, nanggigigil ka na dahil hindi pa nakakarating sa’yo ang baso!”

Sinundan ‘yon ng halakhakan ng lahat na halos gumalugod sa buong tribu ng Muyong ang ingay ng kanilang kasiyahan.

“Hu…”


Dumaan ang ilang saglit at napansin na lamang ni Kugno na unti-unti siyang nasisiyahan sa gawi ng mga kasama. Hindi pa nagtagal at isa na rin siya sa malakas humalakhak.

“Ah,” sambit niya pagkatapos lumagok ng Biro. “Sarap!” dagdag pa nito.

“’Yan si Kugno, sumasabay.” Banat ni Iking.

“Sandali, mga kasama!” pag-antala ni Bubor.

“Ano’ng kids ang gustung-gustong dapuan ng mga bubuyog?”

“Naku po, eto na naman si Bubor, bumabanat na naman. Ano?”

“Eh ‘di orkid!”

“Korni…!” sigaw ni Kato habang panay ang tawanan ng lahat.

“E, ano naman ang tawag sa bubuyog na tanga?”

“Ano?”

“Eh ‘di… Bobo-yog!”

Animo’y walang katapusan ang halakhakan sa itaas ng mababang puno na iyon. Napapalingon na lamang ang iba pang bubuyog na nagdaraan.

“Sige,” singit ni Kugno, “ano namang bubuyog ang hindi bubuyog?”

Natahimik ang lahat.

“Meron ba ‘non?”

“Langgam?”

“Ano’ng langgam? Nagpapatawa ka naman eh.”

“Eh, ano?”

“Pag-isipan n’yo!”

“Hindi nga namin maisip eh.”

“Eh, ano nga?”

“Sirit?”

“E, di… tutu-bee!”

“Nge!”

“Marunong din naman pala itong si Kugno eh! Ganyan para lalo tayong masaya!”
Napatigil lamang ang kanilang tawanan nang mapuna ni Bubor na ubos na ang Biro na binili ni Iking.

“Paano ba yan, wala na?”

“Wala na? E, di pa-deliber!” hiyaw ni Iking.

“O, etong pambili. Kaya mo na ‘yan Bubor!”

“Ano? Ako na nga ang tanggero, ako pa rin ang bibili? Si Simpit na lang!”

“Ako? ‘Yan o, si Pipiguro,” turo niya dito.

“Naku, mukhang walang gustong bumili ah. Sige, kayo rin…”

“O sige, para walang gulo… tayong lahat ang bibili!” sabay tayo ni Kugno.

“Mas mainam siguro!” segunda ni Kuwawo.

At sabay-sabay silang nagliparan na animo’y naglulutangan sa kaligayahan…



VIII

Ilang na ilang si Simpit. Una niyang pagkakataon na makarating sa lugar na ito - lugar na kung saan ay maraming taga-Pagdag at halos ‘di siya makabasag-pinggan. Hindi siya sanay at hindi siya pamilyar sa mga bagay na nasa paligid niya ngayon. Narito silang dalawa ni Kugno upang mamasyal at samantalahin ang mga libreng oras.

‘Ganyan nga Simpit,’ sa isip ni Kugno. ‘Kailangang sanayin mo ang iyong sarili. Umpisa lang ito ng mga bagay na dapat kong ituro sa’yo... sa simpleng paraang hindi mo batid na tinuturuan kita … marami ka pang dapat matutunan.’

Naaawa siya kay Simpit. Tila ito isang ignoranteng hiyang-hiya na hindi alam kung paano kumilos nang wasto at kung paanong makiharap sa iba pang mga bubuyog. Gusto niya itong tulungan - tulungan na mapag-ibayo pa ang pagkabubuyog nito. Dahil dito ay mas lalong naging interesado si Kugno na lawakan pa ang pakikisalamuha kina Simpit.

“Pumunta tayo sa gawi roon,” ani Kugno.

“Doon?”

Mas maraming bubuyog. Mga pino, elegante at disenteng pagmasdan Bagay na lalong ikinakailang ni Simpit.

Pumasok sila sa pamilihang puno ng ilaw. Puno ng palamuti at sadyang maaliwalas.

Kakaiba ang senaryo ngayon para kay Simpit. Sadya naman itong ginagawa ni Kugno para ipakilala siya sa bagong paligid.

“Ang ganda nito ‘no?” tukoy ni Kugno sa sombrerong yari sa maliliit na dahon.

“Mahal yata ‘yan eh.”

“Hindi, mura lang ‘yan. Nakabili na ako ng ganito dati. Kaya lang, nawala nang magpunta kami ng mga kasama ko sa Balayan.”

“Ito rin, Kugno, ang ganda o!” turo naman ni Simpit sa isang palamuti.

“Oo nga, ano!”

Hindi na nila pansin ang takbo ng oras. Halos hindi na rin pansin si Simpit sa sumasabay na siya sa taas ng paglipad ni Kugno. Bagay na doon lamang niya nagawa.

Pagkatapos naman nilang mamasyal ay pumasok sila sa isang kainan sa loob din ng pamilihan na iyon. Panay ang linga ni Simpit na halatang asiwa pa rin sa bagong lugar. Tila ipinauubaya na lang niya ang bawat galaw kay Kugno.

Umupo siya sa bakanteng upuan matapos umorder si Kugno. Para pa ring hindi makapaniwala si Simpit sa mga simpleng nangyayari.

“Alam mo, ngayon lang ako nakapasok dito.” kaswal niyang sabi. Ngumiti lamang si Kugno na tila walang narinig.

“Nakakagutom ‘no? Kain na tayo...”

Titig na titig si Simpit sa mga nakahain sa mesa. “Ang dami naman nito! Mauubos ba natin ‘to?”

“Mauubos natin ‘yan!”

Ngayon lang din niya matititkman ang pagkain na iyon. Titinitingnan lang din niya nang simple si Kugno kung paano ang tamang pagkain ng mga ito para makasabay.

“Dito ba kayo madalas ng mga kaibigan mo sa eskuwela?”

“Minsan,” sagot niya matapos lunukin ang kulay asul na nektar.

Halatang-halata pa rin ang paninibago ni Simpit ngunit hindi niya ito binibigyan ng pansin upang hindi lalong mailang ang kasama. Sa isip-isip ni Kugno, napaka-simple ng ganitong klaseng sosyalisasyon at natutuwa siyang naimulat niya sa ganito si Simpit.

“Ang sarap nito, ah!” tukoy ni Simpit sa kakaibang luto ng talulot ng mga pinong bulaklak.

“Ang sarap ng Samsam ‘no?” tukoy naman ni Kugno sa pinalapot at pinaalat na nektar.

“Mabubusog talaga tayo nito! Ang dami ko nang nakain!” sabay salat ni Simpit sa malaking tiyan.

Maganda ang pakikitungo ni Kugno. Lubhang katawa-tawa ang ikinikilos at ipinapakita ng kasama ngunit napakatalino ng pagsakay niya dito. Sa kabilang dako naman ay walang pagsidlan ang kanyang tuwa.

“Halika na,” matapos ang ilang minuto ng kanilang pamamahinga matapos kumain. Dalawang beses pa niyang narinig na dumighay si Simpit.

“Busog na busog ako ah!” ngiti nito.

Iyon lang at tumuloy na naman sila sa paglipad upang muli ay ilibot ni Kugno si Simpit sa iba pang lugar - sa motibong siya lamang ang nakakaalam.





IX

Lumipas ang mga taon. Madalang, hanggang sa hindi na sila nagkikita nina Krako, Mintis, Kail at Ebang dahil nag-iba-iba na ang direksyon ng buhay nila para sa mga bagong pakikibaka.

Sa kabilang dako ay naging napakagaan naman ng loob ni Kugno kina Iking at mga kasama. Ang pagtingin at pakikitungo niya ngayon sa mga ito ay naging taliwas sa kung ano noon. Wala nang araw na hindi sila nagkikita at lagi na nilang hinahanap ang isa’t-isa.

Wari ay nakalimot si Kugno. Malaki ang kanyang ipinagbago. Marami na siyang bagay na ginagawa na noon ay mali para sa kanya.

Para siyang naging isang bagong silang na bubuyog na ngayon pa lamang natututo. Parang bagong silang na ang bawat nararanasan ay duyan ng kapanabikan. Bawat oras o minuto ng kanilang pagsasama ay tila ba laging napakahalaga.

Sa proseso ay naging napakalakas din impluwensiya ni Kugno. Unti-unti, kahit paano’y may natututunan sa kanya ang mga kababata sa paraang sinasabayan din niya ang kanilang mga gawi. Malalim ang naging partisipasyon niya sa mga ito dahil nag-aambag at nagpapakilala siya ng mga bagong kaisipan nang bukal sa kanyang loob ngunit lingid sa kanila - kaisipan na unti-unti ring bumabago ng kanilang pananaw at pagka-bubuyog.




Nagpatuloy ang pagsasama. Lumipas pa ang panahon. Dati ay tila siya lamang ang pinakikinggan. Pilit niyang sinikap na maging pantay-pantay ang lahat ngunit dumating ang pagkakataon na nagsimula ng lamat…

“…Bakit parang lagi lang siya ang nasusunod?” tanong ni Pipiguro kay Iking habang sabay silang lumilipad. Ewan kung pansin nila, ngunit mas mataas kaysa dati.

“Napupuna ko nga eh! Akala mo kung sino!”

“Pero isipin mo… parang kelan lang ‘no? Tatlong taon na pala simula nang mabuo ang samahan na kasama si Kugno.”

“Tatlong taon… oo nga eh! Parang nakakasawa na! Paulit-ulit na lang. Sa nakikita ko, para namang walang katuturan,” sabi ni Iking at bahagyang itinaas ang paglipad na sinabayan naman ni Pipiguro.

“Oo nga. Parang walang kwenta!” at mas itinaas naman ni Pipiguro ang paglipad. “Walang katuturan!”

Dinaanan ng dalawa sa kani-kanilang mga bahay sina Simpit at Kato at pagkatapos ay naglimayon sa lugar na dati ay kinakatakutan nilang puntahan - mga lugar na ipinakilala sa kanila ni Kugno. Napakataas na ng kanilang lipad.

“Walang kwenta ang samahan!”


---end---




E P I L O G U E


Ngayon ay unti-unting dumarating ang pinal na konklusyon. Sa tingin nila ay laging si Kugno ang nasusunod sa loob ng tatlong taon at sila lagi ang nagbibigay, nagpapaubaya.

Ngunit hindi para kay Kugno.

“Ano bang klase ng pagbibigay ang nalalaman nila? Ang alam ko, sa kanila’y may mga naibigay akong ni minsan ay hindi ko nakitang sinuklian nila ng pagpupunyagi - ang pagpapahalaga sa kanilang mga kaarawan at tagumpay, at pagpapakita ng suporta sa panahong kailangan nila ako. Ang pagpaparaya ng aking mga tenga upang makinig at umunawa sa sa bawat iminumutawi ng kanilang mga labi. Naibigay ko sa kanila ang halos lahat ng pagpapahalaga, panlabas man o panloob. Mga sorpresang lahat ay pinaghirapan ko para lang sa salitang ‘kaibigan’… Ang panahon ko! Kahit mas madalang pa sa patak ng ulan ang pagtugon nila sa mga ito… kahit wala akong nakitang pagmamahalaga sa mga bagay na naibigay ko!”

“At anong klase ng pagpapaubaya ang nalalaman nila? Halos nalimutan ko na ang aking sarili sa pagpapaubaya sa kanila. Halos nakalimutan ko na ang iba ko pang mga kaibigan dahil sa kanila. Halos marami akong nasaktan dahil sa pagpapaubaya sa samahan. At hindi ako manhid upang magbulag-bulagan na lamang sa lahat. Hindi ako manhid upang kahit kaunti ay hindi hanapin ang kapalit na pagpapahalaga. Marahil ay iyon ang hindi nila maunawaan.”

“Ngunit kung sino man ang tunay na nagbigay at nagpaubaya, walang makapagsasabi. Bawat prinsipyo ay may kaakibat na katotohanan. Hindi ko hawak ang takbo ng isip nila. May sari-sarili silang dahilan sa mga bagay na nagrereplika sa kanila ngayon. Hindi ko sila masisisi. Gayon pa man, natutuwa ako. Marami akong natutunan. Hindi ko maitatatwang may mga pagkakamali rin ako at tanging ang panahon lang ang makapagsasabi kung paano ko ito maitutuwid.”

“Sa bawat sulok ng daigdig ay maraming tribu. Tribung kailanga’y masusing pag-isipan upang makisabay. Hindi sila ang mali at hindi rin ako. Hindi sila ang tama. Hindi rin ako! May kamalian at katotohanan sa bawat tribu na kinapapalooban ng sino man. Ah! Tribung bubuyog…!”

Mula sa pabago-bagong hugis ng mga ulap ay ibinaba ni Kugno ang tingin. Nakangiti. Nang muli niyang iangat ang ulo ay nakita niyang sabay na lumilipad sina Iking at Kuwawo nang mas mataas kesa sa nakasanayan nila. Sa likod nila ay kasunod si Pipiguro na halatang hindi nila kasama.

Napasulyap si Pipiguro sa kanya. Nagpalitan sila ng ngiti na tila ba mga estranghero lamang sila sa isa’t-isa. Maya-maya ay lumihis ito ng direksyon kina Iking.

Sinundan ng tanaw ni Kugno ang mataas na paglipad nila. Klase ng paglipad na noon ay kanilang kinatatakutan at kinasusuyaan…

Muli pang tumalbog sa diwa ni Kugno ang minsa’y narinig sa dating kasama: “Walang kwenta ang samahan!”

Habang nakamasid ay ngumiti lamang si Kugno. Tuluyan na niyang nilisan ang punong Manggi at doon ay naghanda para sa bago at mas seryosong pakikibaka sa panibagong sulok ng TRIBUNG BUBUYOG…





S Y M B O L I Z A T I O N S


TRIBUNG BUBUYOG: Lifestyle; personality, people or crowd

TRIBUNG MUYONG: Not specifically a place but a weak portion of self; poor life orientation; or a place where there are plenty of individuals with low self-esteem and confidence. Not- very-well-open to what ‘must really count.’
As stated in the story, many still find it enjoyable and satisfied to ‘live’ in TRIBUNG MUYONG;

TRIBUNG TRIGA: Similar to Muyong

TRIBUNG PAGDAG: Opposite of Tribung Muyong; the stronger portion of self

ISTILO NG PAGLIPAD: A mirror of one’s personality; posture; creativity; flexibility

TAAS NG PAGLIPAD: Confidence; self-esteem; understanding; wisdom

MALAKING PAMILIHAN/
LUGAR NA MARAMING
ILAW: Awareness/orientation to different ideas and places; exposure to any relevant matter




R E M A R K S


Everyone has undeniably two TRIBUs within himself — Muyong and Pagdag. Each may always function depending on the person’s orientation or what his mind dictates. Nonetheless, one may still dominate over another.

Tribung Muyong is a natural part of every person. Unfortunately, without persistence, determination and guidance, anybody may be trapped to it forever. On the other hand, Tribu Pagdag may also be innate... or learned.